Restoran, 'fast food' sa Iloilo na walang 'half rice', maaaring masuspende

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 08:41 PM

Inaprubahan na ng Iloilo City Council ang ordinansang nag-uutos na isama sa menu ng mga kainan ang kalahating cup ng kanin.

Sa ilalim ng 'Rice Conservation Ordinance' ng Iloilo City, maaaring bumili ng kalahating cup ng kanin kahit sa unang serving pa lamang.

Layunin nitong ordinansa na maiwasan ang pagsasayang ng kanin.

Sakop ng ordinansa ang mga restaurant, kantina, fast food chain, cafeteria, karinderya, 'turo-turo', at iba pa.

Hindi naman sakop ng ordinansa ang mga buffet restaurant at mga establisimyentong nag-aalok ng unlimited rice.

Ang half-cup rice serving ay hindi dapat bababa sa U.S. standard measurement ng 1/2 cup o 80 grams ng kanin.

Makatatanggap ng warning sa unang paglabag sa ordinansa. 

Pagdating sa ikalawang paglabag, kinakailangan nang magbayad ng P3,000 multa. 

Suspensiyon naman ng business permit at multang P5,000 ang parusa sa ikatlong paglabag.

Binigyan ang food service industry ng tatlong buwan upang sumunod sa kautusan, matapos mailathala ang mga probisyon ng Rice Conservation Ordinance of Iloilo City.

Ang nasabing ordinansa ay sumusuporta rin sa 'Be Riceponsible' campaign ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute.

Ayon sa konsehal na nagsulong ng ordinansa, nagsasayang ang bawat Pilipino ng tinatayang dalawang kutsarita ng kanin o siyam na gramo ng bigas araw-araw base sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute noong 2008.

-- Ulat ni Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.