Pagsayaw ni Mocha Uson sa casino, labag sa reglamento?

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 12:18 AM | Updated as of Sep 08 2017 12:21 AM

Iniimbestigahan na ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung labag sa reglamento ng Malacañang ang pagsasayaw ni Assistant Secretary Mocha Uson sa loob ng isang casino. 

Lumabas kasi sa social media posts na nagtatanghal si Uson kasama ng kaniyang grupong "Mocha Girls" sa Bar 360 ng Resorts World Manila.

Kinumpirma rin ng isang empleyado ng Resorts World Manila na nagkakaroon ng performance si Uson sa bar na nasa gitna ng casino.

Sa isang text sa reporters, sinabi ng boss ni Uson na si Presidential Communications Secretary Martin Andanar na sinisilip na ng kaniyang tanggapan ang isyu.

Aniya, dati nang humingi ng pahintulot si Uson na tuparin pa rin ang kaniyang entertainment contracts kahit naging bahagi na siya ng gobyerno.

Ayon pa kay Andanar, puwedeng mag-perform si Uson pero papayuhan niya siya na iwasang gawing ito sa mga casino. 

Sinabi rin ni Presidential spokesperson Ernesto Abella na dapat imbestigahan ng PCOO ang isyu.

Wala pang pahayag si Uson kaugnay nito.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 6 ng Malacañang, ipinagbabawal ang pananatili, pagpasok, at paglalaro sa casino ng mga opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, at mga indibidwal na 21 taong gulang pababa.

Bago yumao, naging kontrobersiyal si dating Land Transportation Office Chief Virginia Torres nang makuhanan siya ng video na nakaupo sa tapat ng isang slot machine.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.