Lalaking nakunan sa CCTV na nanghampas ng pusa, pinakakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 11:56 PM

Kumalat sa social media ang CCTV footage ng paghampas ng isang lalaki sa isang pusa na ikinamatay nito.

Sa kuha ng CCTV nitong Setyembre 5, nakatambay sa Dolores street, Barangay 66 sa Pasay ang lalaking kinilalang si John Vincent Tenoria, kasama ang tatlong kabarkada.

Maya-maya ay itinuro ng kasama niyang si Wesley Torres ang pusang tahimik na nakaupo malapit sa tinatambayan ng grupo. 

Ang isa pang lalaking kinilalang si Avelino Vito Jr., kumuha ng dos-por-dos at iniabot ito kay Tenoria habang iminumuestra kung paano pumalo.

Matapos kausapin ng mga kasama, tumayo na si Tenoria, lumapit sa pusa at buong-lakas na hinampas ito sa ulo.

Makikitang nangisay ang pusa bago tuluyang namatay.

Ayon sa nag-upload ng CCTV footage sa Facebook na si Kris Legaspi, gusto niyang mapanagot ang nanakit sa pusa pati na ang mga nambuyo kay Tenoria.

Galit din ang maraming netizens na nakapanood sa video.
 
May halos 2,000 shares at reactions na ang video sa Facebook mula nang i-upload nitong Miyerkoles, Setyembre 6.

Tumanggi nang magsalita ang magkakabarkada.

Pero dumepensa naman ang kanilang mga magulang.

Ayon kay Candelaria Tenoria, ina ni John Vincent, naudyukan lamang siya na paluin ang pusa.

Paliwanag naman ni Romeo Torres, ama ni Wesley, tinuro lang daw ng anak niya ang pusa at hindi masasabing binuyo niya si John Vincent.

Ayon naman kay barangay captain Lennon Tawat, may pagkakasala ang bawat isa sa grupo dahil kahit pa isa lang ang pumalo sa pusa, wala namang ginawa ang ibang kasama ni John Vincent para pigilan ang pagpalo.

'Intentional' din daw ang ginawang pagpatay sa pusa.

Ayon pa kay Tawat, dati na ring nanakit ng pusa si Tenoria dahil minsan na siyang nakagat sa paa ng naturang hayop.

Kinondena ng Philippine Animal Welfare Society o PAWS ang pagpatay sa pusa.

Nanawagan sila sa publiko na isumbong sa mga awtoridad ang mga insidente ng pang-aabuso sa hayop. 

Sasampahan ng video uploader ng reklamong paglabag sa 'Animal Welfare Act' si Tenoria at ang mga kasama niya.

Sa ilalim ng batas, ang pagmaltrato sa hayop na dahilan ng pagkamatay nito ay may parusang kulong na hindi bababa sa isang taon at anim na buwan o multang hindi hihigit sa P100,000.

-- Ulat nina Vivienne Gulla at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.