Lalaki patay sa pamamaril sa Negros Oriental

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 09:21 PM

DAUIN, NEGROS ORIENTAL — Patay sa pamamaril ang isang lalaki sa Barangay Lipayo sa bayang ito Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Junren Sienes, na nagtamo ng 10 tama ng bala. Hindi pa rin nakikilala ang salarin.

Galing umano si Sienes sa sabungan nang sundan siya ng lalaking naka-helmet at nakasakay sa motorsiklo.

Pasakay na umano si Sienes sa motorsiklo ng kaibigang si Sammay Alapa-ap, nang mahulog siya pagkatapos siyang pagbabarilin. Nilapitan pa siya ng salarin pagkatapos ay muling pinagbabaril.

Ayon sa pulisya, dating drug surrenderer si Sienes at posibleng dahil sa negosyo sa ilegal na droga ang motibo sa kanyang pagpatay.

Tinitingnan din nila ang posibilidad na may kagalit ang biktima dahil sa maraming tama nito sa katawan. 

Patuloy ang paghahanap nila sa suspek na hindi nakilala ni Alapa-ap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.