Imee, Duterte hindi pa nakapag-usap ukol sa solian ng 'tagong yaman'

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 10:36 PM

Hindi pa umano napag-uusapan ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pagsasauli ng pamilya Marcos ng kanilang diumano'y tagong yaman.

"I think proposal pa lamang at hindi kami nakapag-usap," ani Marcos.

Hinahayaan umano ng pamilya Marcos ang kanilang abogado na asikasuhin at kausapin ang Pangulo ukol dito.

Nagpasalamat naman si Marcos kay Duterte dahil bukas ang isipan nito sa ganitong usapin at umaasang matatapos na ang issue.

"Masalimuot kasi na topic so kailangan pag-usapan nang masinsinan ng mga abogado muna atsaka kami mag 'volt-in,'" ani Marcos.

"Maraming salamat at bukas ang isipan ng ating {residente na sa wakas sana matapos na sana itong issue na ito," dagdag niya.

Sa ngayon wala pa raw malinaw na usapan kaya hindi rin ito makapagbigay ng anumang detalye.

Hindi rin niya diretsong sinagot kung hihingi ba ang pamilya ng immunity sa pag-uusig kung sakaling ibalik nila ang kanilang tagong yaman.

"Ay wala pang usaping ganun. Si presidente ang mamoblema sa mga iba't-ibang aspeto na ina-anticipate niya," ani Marcos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.