Hanggang P16,000 na ayuda, alok sa Philhealth members na may 'rainy season' sakit

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 08:45 PM | Updated as of Sep 08 2017 12:12 AM

May alok ngayon ang PhilHealth na benefit packages sa mga miyembro nito at kanilang dependents na tatamaan ng sakit na uso ngayong tag-ulan, gaya ng dengue fever, influenza, at leptospirosis.

Hanggang P16,000 ang maaaring sagutin ng PhilHealth sakaling tamaan ng dengue ang miyembro nito.

Karaniwang tumataas ang kaso ng dengue kapag tag-ulan dahil na rin sa mga naiimbak na tubig na maaaring pangitlugan at pamahayan ng mga lamok.

Aabot naman sa P11,000 ang ayuda ng Philhealth para sa mga pasyenteng tatamaan ng leptospirosis.

Kadalasang nakukuha ang leptospirosis kapag napasukan ang katawan ng tubig na may halong ihi ng daga.

Maaaring makuha ito ng taong may sugat sa katawan at sumuong sa bahang may ihi ng daga.

May ayuda namang P10,000 ang Philhealth para sa mga miyembro nitong tatamaan ng typhoid fever.

Bukod sa ayuda para sa mga itinuturing na 'rainy season' na sakit, may alok ding tulong ang Philhealth para sa mga miyembrong mako-confine sa ospital dahil naman sa Hepatitis A, cholera, at influenza.

Para sa Hepatitis A, maaaring sagutin ng Philhealth ang hanggang P11,800 ng halaga ng bayarin ng pasyente sa ospital. Makamemenos naman nang hanggang P6,000 ang mga tatamaan ng cholera at influenza.

Paalala naman ng PhilHealth, 'prevention is better than cure' pa rin, kaya dapat palaging mag-ingat lalo pa't madami ang usong sakit ngayong tag-ulan.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.