Binatilyong nawawala, natagpuang patay sa may creek sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 04:20 PM | Updated as of Sep 08 2017 12:46 AM

BAGUIO - Isang 17 anyos na lalaki ang natagpuang patay sa creek malapit sa Balabac-Bakakeng Road sa siyudad na ito. 

Kinilala ang bangkay na si Vaughn Carl Dicang, grade 12 student, na nabubulok na nang matagpuan ng pulisya.

May isang linggo nang hinahanap ng pamilya si Dicang, na huling nakita kasama ng mga kaibigan noong Setyembre 1.

Ayon sa kapatid nitong si Van, nakapag-text pa sa kanila si Dicang na pauwi na ito bandang alas-6:00 noong gabing mawala ito. 

Si Van, kapitan ng kanilang barangay, ang positibong tumukoy sa katawan ng kapatid dahil sa suot nitong damit. 

Iskolar aniya si Dicang sa University of Baguio at hindi nila maisip kung ano ang posibleng motibo ng pagpatay dito.

Samantala, inaalam pa rin ng pulisya kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng bata. Sasailalim pa anila ito sa awtopsiya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.