SAPUL SA CCTV: Babaeng tumatawid sa pedestrian lane, nabangga ng truck

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 09:11 PM | Updated as of Sep 06 2017 09:12 PM

SAN FERNANDO CITY—Kritikal ang lagay ng isang babae matapos mabiktima ng hit-and-run sa MacArthur Highway, Barangay Dolores sa lungsod na ito Biyernes ng gabi.

Sapul sa CCTV ang pagbundol ng puting elf truck sa isang babaeng tumatawid sa pedestrian lane 10:30 ng gabi.

Pagtawid ng babae, tumigil ang isang pampasaherong jeepney sa outer lane. Nagtuloy sa paglalakad ang babae pero di na tumigil ang isa pang parating na double-cab elf truck na bumangga sa kanya.

Imbes na tumigil, humarurot paalis ang puting elf truck sa direksiyon ng bayan ng Mexico.

Ang babae ay kinilalang si Noemi Buan, isang medical technician sa Jose B. Lingad Regional Memorial Hospital.

"Galing siya ng duty 2 to 10 kasi siya, nakisakay lang siya palabas," ani Ruth Baltazar, kapatid ng biktima, Miyerkoles.

"Tinanggal iyong spleen niya then sa CT scan nakita namaga iyong utak, inalis na yung temporal lobe. Masakit kasi kamamatay lang ng mommy namin nitong January, siya lang ang kapatid ko."

Sa ilalim ng batas, kailangang magmenor ang motorista o tumigil kung may tumatawid sa pedestrian lane.

"Paalala din sa mga tumatawid na tingnan din muna (kung may paparating na sasakyan) bago tumawid," ani PO1 Levy Almadin.

Nakikipag-ugnayan na ang San Fernando Police sa mga gusaling may CCTV camera na posibleng nakahagip sa plate number ng elf truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.