Puwersa ng Maute group sa Marawi, pilay na

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 10:43 AM

Philippine Marines, backed by a V300 infantry fighting vehicle, cross Mapandi Bridge, a key area in the fighting in Marawi City that has now reached a hundred days. Froilan Gallardo, ABS-CBN News

Patuloy ang paghina ng puwersa ng Maute group sa Marawi City, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay AFP Spokesman, Brig. Gen. Restituto Padilla, kabilang sa mga indikasyon ng paghina ng puwersa ng grupo ay ang pagbawi ng militar sa mga dating stronghold nila tulad ng Mapandi Bridge at Bangolo Bridge.

“Yung dalawang bridge na yan ay napaka-importante na mga lugar na talaga sinubukan nilang protektahan hanggang sa kahuli-hulihan. Dahil hindi na nila kayang protektahan ito, yan ang indikasyon na di na nila kinakaya,” sabi ni Padilla.

Patuloy din aniya ang pag-usad ng tropa ng pamahalaan sa mga lugar na dating pinagkukutaan ng mga terorista dahilan para patuloy na lumiit ang pinagtataguan ng mga ito.

“Hindi na nila nagawang protektahan ang kanilang kinaroroonan kaya lumiliit na yung kanilang lugar at kung malakas pa sila hindi pa tayo sana nakapasok ng ganap dito sa mga lugar na ito,” sabi pa ni Padilla.

Aminado naman si Padilla na naging balakid din sa tuluyang pag-advance ng militar ang matinding putukan na isinasalubong sa kanila at maging ang paglalagay ng patibong tulad ng mga improvised explosive device at mga snipers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.