Motorista sa Marcos Highway, binabato ng putik ng ilang bata

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 08:02 PM

Kumalat sa social media ang video ng ilang kabataang nambabato ng mga sasakyan sa Marcos Highway sa bahagi ng Barangay Mayamot, Antipolo nitong Lunes, Setyembre 4. 

Kita sa video na in-upload ng Facebook user na si Vanessa Magsumbol ang dalawang batang lalaki na nag-aabang ng susunod na mabibiktima.

May hawak na isang dakot na putik ang isa sa kanila habang may bitbit na puting supot ang isa, na putik din umano ang laman.

“And then maya-maya po, pumunta po sila sa may... bandang kanal na po. Nag-iipon na po sila ng mga putik po, ibinabalot po nila do’n sa plastic. Kapag may natripan po sila na trak, binabato po nila,” kuwento ni Magsumbol. 

Nakita rin sa video na ibinato ng dalawang bata ang mga hawak nila sa isang truck at nasapul ang windshield nito. 

Kuwento pa ni Magsumbol, dalawang beses din nilang sinita ang dalawang bata ngunit hindi sila pinakinggan. 

Ayon naman kay Fidel Casimiro ng Barangay Task Force on Peace and Order, maaaring katuwaan lang ang motibo ng mga bata sa pambabato ng mga sasakyan.

“Wala pa naman kaming nae-encounter na ang motibo pagnakawan,” ani Casimiro.

Halos 2,000 na ang nag-share sa in-upload na video. Daan-daan na rin ang nag-comment.

Maraming nababahala na mauwi sa aksidente ang ginagawa ng mga bata. 

Ayon sa barangay, nirespondehan nila ang insidente matapos may magreklamo, pero maging sila'y pinagbabato ng mga bata at mabilis na tumakas daw papasok sa lugar ng informal settlers.

Paiigtingin ngayon ng barangay at pulis ang pagpapatupad ng curfew upang maiwasan ito. 

Paalala ng mga awtoridad sa mga magulang ng menor de edad, kung paulit-ulit na lalabag sa ordinansa ang kanilang anak, maaaring managot sa batas ang mga magulang.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.