Dalagitang nagpaalam na gagawa ng assignment, ginahasa, pinatay

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 08:44 PM

Masama ang loob ng ina ng 16 anyos na si alyas 'Hope' sa sinapit ng kaniyang anak.

Hindi niya akalaing bangkay niya na muling makikita ang dalagita.

Madaling araw nitong Lunes, Setyembre 4, natagpuan ang labi ng biktimang sa isang eskinitang malapit sa tirahan ng dalagita.

Bago ang insidente, nakunan pa sa CCTV si Hope na kasama ang kaniyang kaibigan sa bukana ng eskinita.

Matapos nito, nagtungo ang dalagita sa kalapit na computer shop para gumawa ng takdang-aralin. Nakita pa siya ng ilang kaibigang nasa computer shop din.

Iyon na ang huling beses na may nakakita kay Hope nang buhay pa siya.

Base sa medico-legal report ng Pasig Police, may indikasyong ginahasa ang dalagita dahil sa nakitang 'laceration' o sugat sa ari ng biktima.

Nakitaan din ng marka sa leeg ang dalagita, indikasyong sinakal siya.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang apat na lalaking nakunan din sa CCTV na umaaligid sa eskinita kung saan natagpuan ang bangkay ni Hope.

Bago nasawi, naikuwento pa raw noon ng biktima sa kaniyang mga kaibigan na may lalaking madalas umanong sumusunod sa kaniya.

Iniimbestigahan na ng pulis ang 'lead' na ito. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.