2 sugatan sa tumagilid na truck sa Davao City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 09:53 AM

DAVAO CITY – Dalawa ang sugatan matapos na maaksidente ang kanilang forward truck Martes ng gabi sa Diversion Road sa Maa, Davao City.

Pasado alas-11 ng gabi nang madisgrasya ang truck na minamaneho ni Nadie Genon matapos umanong mawalan siya ng kontrol dito.

Ayon naman sa pahinante nito, mabilis ang pagpapatakbo ni Genon sa truck. Pagdating sa pakurbadang bahagi ng kalsada hindi na nito nakontrol pa ang truck kaya’t nadisgrasya sila.

Nagtamo ng sugat sa mukha at katawan si Genon habang gasgas naman sa siko ang sa helper. Agad naman silang dinala sa ospital para mabigyan ng paunang lunas.

Galing sa Tugbok, Davao City ang nasabing truck at papunta na sana sa Panabo City para kumuha ng supply ng manok nang mangyari ang aksidente.

Sinikap ng rescue team ng Central 911 na makuha ang truck matapos itong humarang sa gitna ng kalsada.

Pasado alas-tres na ng madaling araw ng Miyerkoles naialis sa kalsada ang nakahambalang na truck.

Paalala ng awtoridad sa mga drivers na dahan-dahan lang sa pagmamaneho para makaiwas sa disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.