14 anyos na kasama ni Carl Arnaiz, binalot ang mukha, 30 beses sinaksak

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 06:24 PM | Updated as of Sep 06 2017 11:10 PM

Balot ang mukha at may 30 saksak sa katawan ang bangkay ng 14 anyos na si Reynaldo De Guzman na natagpuan sa Barangay San Roque, Gapan, Nueva Ecija.

Si De Guzman ang huling nakitang kasama ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz bago siya napatay sa engkuwentro ng mga pulis sa Caloocan noong Agosto 18.

“May stab wounds pong nakita doon sa biktima [De Guzman]. More or less 30 stab wounds,” ayon kay Gapan police chief Superintendent Peter Madria sa panayam sa kaniya ng DZMM.

Paliwanag ni Madria, nag-report sa kanila ang isang residente ng Brgy. San Roque na mayroon silang natagpuang bangkay sa kanilang creek.

Madaling araw ng Setyembre 5, may narinig ang mga residente na humitong sasakyan sa lugar kung saan itinapon ang bangkay ni De Guzman.

Inakala pa ng mga residente na basura lang ang itinapon kaya hindi nila iyon pinansin.

Unang beses daw na nagkaroon ng ganitong insidente sa lungsod ng Gapan.

Nitong Miyerkoles, Setyembre 6, nagdesisyon ang mag-asawang De Guzman na pumunta sa Gapan, Nueva Ecija para matukoy ang bangkay kung ito ang kanilang nawawalang anak. 

Positibong tinukoy ng ama ni De Guzman ang bangkay sa morgue na sa kaniyang anak dahil sa marka sa leeg at sa tuhod.

Pagkatapos ng autopsy, pag-uusapan ng mga magulang ni De Guzman kung ano ang susunod na gagawin.

Isang araw bago natukoy ang bangkay ni De Guzman, inihatid na sa huling hantungan ang labi ni Arnaiz.

Nahanap ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue sa Caloocan, 10 araw mula nang magpaalam siyang lalabas lang sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.