Suhestiyon para maibsan ang mabigat na trapiko, gustong idaan sa 'app'

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 12:25 AM

Balak ng Department of Transportation (DOTr) na bumuo ng app na puwedeng pagdulugan ng mga motoristang nayayamot na sa matinding trapiko, partikular na sa mga lugar na apektado ng itinatayong MRT-7.

"[We will be opening an] app or an account to receive information, suggestion, ideas. Kasama na 'yong mga mura," ani Hernando Cabrera, senior technical assistant sa DOTr. "We also want input coming from road users. Sila 'yong nakakaalam diyan," 

Nakiusap si Cabrera sa mga apektadong motorista na makipagtulungan sa kagawaran kaysa makipagtalo sa social media.

Aniya, bumubuo rin naman sila ng grupong tututok sa traffic management plan sa Kamaynilaan.

Pero giit din ni Cabrera, kahit may traffic management plan, may mga pagkakataong hindi rin naman kontrolado gaya ng malakas na ulan na nagdudulot ng bahang pumaparalisa sa trapiko. Nariyan din ang iba't ibang aksidente sa daan.

Nagsimula noong Agosto ang pagtatayo sa MRT-7. 

Tatakbo ang linya mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.

Inaasahang tatagal ng tatlo hanggang apat na taon bago matapos ang proyekto.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.