SAPUL SA CCTV: 2 sekyu, nagnakaw sa binabantayang palengke

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 01:09 AM

Video courtesy of Laoag City Commercial Complex

LAOAG CITY—Natanggal sa serbisyo ang dalawang miyembro ng Civil Security Unit ng Laoag City government dahil sa pagnanakaw sa loob mismo ng kanilang binabantayang palengke sa siyudad. 

Kinilala ang dalawang empleyado na si Jhon Rey Fernandez at Ernesto Dumlao na nakatalagang guwardiya sa Laoag City Commercial Complex.

Nagreklamo ang may-ari ng isang grocery store sa loob ng palengke na nasira ang kanyang puwesto at may mga nawawalang paninda noong Linggo.

Ni-review nila ang mga kuha ng CCTV camera sa palengke at laking gulat nang makita sina Fernandez at Dumlao na pagala-gala sa loob ng palengke alas-11 ng umaga noong Linggo. 

Sapul sa CCTV ang pagbubuhat ng dalawa ng mga karton mula sa grocery at fish section sa may second floor ng palengke. 

“'Yung may-ari ng puwesto na si Mr. Custodio, nag-reklamo kahapon na nasira ang kanyang grocery, so immediately, we conducted an investigation to later find out noong na-review ‘yung CCTV, it was found na dalawang CSU natin ang involved,” ani Laoag City Market Superintendent Sheila de Leon. 

Tatlong case ng alak, mga kaha ng sigarilyo, mga barya na nagkakahalaga ng P1,000, at 10 kilong hipon ang nawala umano. 

Inamin umano ng dalawa ang kanilang pagnanakaw sa loob ng palengke. 

Pero paliwanag ni Fernandez, nadamay lamang siya sa ginawa ni Dumlao na pasimuno ng pagnanakaw.

Ibebenta umano ni Dumlao ang kanilang mga nakuha. Hindi naman sumasagot sa mga tawag ng ABS-CBN News si Dumlao para kunin ang kanyang pahayag. 

Dismayado si De Leon sa ginawa ng dalawa na posibleng haharap ng kasong qualified theft. 

“Dismayado tayo kasi we all know protected ang ating tenants sa market, sila pala ang masasabing bantay salakay. Kung anuman ang kanilang reason, kawalan ng pera or whatever, hindi mapapatawad ang kanilang ginawa, still qualified theft,” ani de Leon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.