Puerto Princesa vice mayor, biktima ng 'tanim-ebidensya'?

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 09:41 AM

Pinasok ng mga naka-bonnet na lalaki ang bahay ni Puerto Princesa Vice Mayor Luis Marcaida III bago ang raid ng pulisya na nakahanap ng mga droga at sari-saring armas, giit ng kanyang kapatid Martes.

Kuwento ng kapatid ng bise alkalde na si Kagawad Alex Marcaida, dakong alas-4 ng umaga kinalampag ng grupo ang bahay, dahilan para pagbuksan sila ng kanyang pamangkin.

"Siya (anak ni Marcaida) raw po ay hinila papunta sa kanilang veranda at pinatalikod sa kanilang front door. Nagpasukan po iyung mga tao na naka-bonnet at dumiretso po sa loob ng bahay," ani Alex sa panayam ng DZMM.

Hindi nagtagal, dumating ang pulis sa bahay para magsilbi ng search warrant. Nakuha sa lugar ang 30 pakete ng hinihinalang shabu, P280,000 na cash, 5 baril, daan-daang bala, 3 rifle grenade, at 1 hand grenade.

Mula sa mga nakuhang gamit, tanging ang pera at 2 baril lamang ang pag-aari ng bise Alkalde, ani Alex.

Naniniwala ang kagawad na "mayroong nasa likod" ng insidente, pero tumanggi siyang ipagpalagay kung pulitikal ang motibo rito.

Gayunman, ipinunto niyang nakatakda sanang maupo si Marcaida bilang acting mayor matapos tanggalin ng Office of the Ombudsman sa serbisyo si Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron dahil sa pagtatalaga ng kanyang anak bilang hepe ng isang task force.

DZMM TeleRadyo, 5 Setyembre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.