Plan holders, tiniyak: 'Caritas, hindi bangkarote'

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 02:00 AM

Tiniyak ng Insurance Commission (IC) na walang dapat ipangamba ang plan holders ng health maintenance organization na "Caritas Health Shield Inc.," sa gitna ng isyung bangkarote na ang kompanya.

Ayon kay IC Commissioner Dennis Funa, may sapat na pondo ang Caritas para sa kanilang plan holders.

Base sa financial report na ipinasa ng Caritas, mayroon itong P8.2 bilyong asset at P8 bilyong liability, kaya hindi umano totoong lugi ang kompanya.

Alitan sa loob ng organisasiyon ang tinutukoy na ugat ng mga akusasiyong nalugi ang kumpanya.

Tingin naman ng pangulo ng Caritas na si Ronnie Collado, sinisiraan lamang sila ng nakaraang pangulo ng kompanya na siya umanong nagsabi na may deficit o kulang na P7 bilyong pondo ang organisasyon.

Sumunod na rin ang Caritas sa utos ng IC na magdagdag ng P150 milyon na pondo upang patuloy na dumaloy ang pera ng kompanya.

Tiniyak ni Funa na walang dahilan para mabahala ang plan holders ng Caritas.

Dapat lang daw na ayusin ng kompanya ang internal dispute, o gusot sa pagitan ng mga pinuno nito, para na rin sa kapanatagan ng plan holders.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.