Pekeng sago nabili umano sa Bauang, La Union

Teomar Baustista, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 11:06 PM

Nakabili umano ng pekeng sago ang isang residente ng Bauang, La Union.

Matapos ang paglaganap ng “fake rice” sa iba’t ibang parte ng bansa, usap-usapan naman ang pekeng sago sa Bauang, La Union.

Sa Facebook post ni Sheena Quilloy, tila styrofoam umano ang nabili nilang sago.

Ayon sa kanyang lola na si Zenaida Vera, balak sana nilang gumawa ng “tambo-tambong” pang-meryenda pero napansin nilang kakaiba ang sago.

Kapag piniga ay hindi ito madaling masira at bumabalik pa sa orihinal na anyo. Hindi rin ito madikit at malapot kapag hinugasan.

“Dati na kaming nagluluto ng bilo-bilo. Iyan tawag sa Tagalog niya. Ngayon sinubukan ng mga anak ko na magluto ulit. Itong nabili nilang sago, sago raw ito pero ang itsura nito hindi naman sago,” ani Vera.

Nakalagay lamang ito sa isang supot nang binili noong huling linggo ng Agosto.

Hindi raw matandaan ng kaanak ni Vera kung saan ito nabili pero pinaalalahanan niya na mag-ingat ang mga mamimili.

Nabalitaan naman ng tinderang si Deniza Hannah Laygo ang tungkol sa umano'y pekeng sago, pero tiniyak nilang ligtas ang kanilang mga produkto.

“Siyempre po No. 1 ang kapakanan ng consumers namin. Iyon po talaga, tapos mine-make sure namin na iyong kinukuhanan naming ahente quality product iyong binibigay,” ani Laygo.

Nagdala ang ABS-CBN News ng sample ng umano'y “fake sago” sa Food and Drug Administration Region 1. Tumanggi muna ang ahensiya na magbigay ng pahayag hangga’t wala pang resulta ang food test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.