Drug surrenderers, nakaharap ang mga pulis... sa boxing

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 01:47 AM | Updated as of Sep 06 2017 04:49 AM

Idinaan sa boxing ang kampanya kontra droga ng Baguio City.

Nagharap sa isang boxing match nitong Setyembre 2 ang ilang drug surrenderer, amateur boxer, at pulis sa Baguio City para sa tinaguriang 'Laban ng Pagbabago'.

Parte ang programa ng anti-drug campaign at rehabilitation program ng lungsod para sa sumukong drug dependents.

May ilang pulis ding nagpakita ng kanilang lakas sa boxing ring.

Sa huli'y nagwagi sa palaro ang grupo ng drug surrenderers.

Nakatanggap ng cash price ang mga nanalo.

Ayon sa isang drug surrenderer, malaki ang naitulong ng programa lalo na sa disiplina sa sarili.

Sa halip kasi na magpatuloy sa bisyo, mas natuon ang kanilang atensiyon sa pagsasanay para sa boxing.

Ayon kay Police Senior Superintendent Ramil Saculles, acting director ng Baguio City police office, umaasa silang sa pamamagitan ng ganitong palaro, makaiiwas na sa droga ang mga dati'y nalulong dito.

Ito aniya ang unang pagkakataon na nagkaroon ng boxing competition ang mga drug surrenderer.

Plano ring magkaroon ulit ng parehong kompetisyon sa darating na Disyembre.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.