SAPUL SA CCTV: Lalaki nasalisihan ng magnanakaw sa mall

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2017 08:29 AM

MAYNILA - Sapul sa CCTV ng kainan sa isang mall sa Maynila ang pananalisi ng isang lalaking nagpanggap pang kustomer.

Sa bidyo, makikita ang biktimang si Neil Garsuta na kumakain habang nakalagay sa katabing upuan ang kanyang bag.

Maya-maya pa ay pumasok na ang salaring nakasuot ng puting t-shirt at saka umupo sa di kalayuan.

Nang makahanap ng tiyempo, tumayo na ito at saka pasimpleng kinuha ang bag ng biktima.

May sinenyasan pang lalaki ang suspek sa labas ng kainan habang siya ay papalabas.

Ayon sa biktima, walang lamang pera ang kanyang bag dahil nasa bulsa niya ang kanyang wallet at cellphone.

Ang problema, nasa nanakaw na bag ang ilang mahahalagang dokumento, ID, at ang susi ng kanilang bahay.

Naiulat na ni Garsuta sa security office ng mall ang insidente. Naibato na rin sa pulisya ang nangyari para mahuli ang salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.