Sapul sa CCTV: Bus, nasalpok ng trak, tumagilid

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 12:30 AM

Nakunan sa CCTV ang pagsalpok ng trak sa isang bus sa national highway ng Binalonan, Pangasinan nitong Biyernes, Setyembre 1.

Patawid sa crossing ang pampasaherong bus nang mabangga ng trak na dire-diretso lang ang takbo.

Sa isa pang kuha ng CCTV, tumagilid ang bus nang masalpok ng trak.

Ilang saglit pa, paisa-isang naglundagan mula sa nakatagilid na bus ang ilang sakay nito.

Nahagip naman ng tumagilid na bus ang isang pick-up truck.

Ayon sa mga awtoridad, 14 ang sugatan sa insidente.

Nagtamo ng minor injuries ang 12 sakay ng bus habang sugatan din ang dalawang sakay ng pick-up truck.

Nagturuan pa ang mga drayber ng trak at bus kung sino ang may kasalanan.

Ayon sa pulisya, may pananagutan ang drayber ng trak.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property ang drayber ng trak.

Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), 50 banggaan na ang naitala sa nasabing crossing mula nitong Enero. 

Wala raw kasing traffic light na gumagabay sa mga motorista, kaya humingi na ng tulong ang PNP sa Department of Public Works and Highways at sa lokal na pamahalaan na maglagay roon ng stop light.
    
-- Ulat ni Patricia Mendoza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.