Mas matinding trapiko asahan ngayong 'Ber months'

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2017 09:29 AM

MAYNILA - Asahan ang mas matinding trapiko ngayong pumasok na ang "Ber months."

Ito ang babala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naghahanda sa inaasahang masikip na trapiko.

Ayon sa MMDA, aabot sa 20% ang nadadagdag sa volume ng mga sasakyan sa Metro Manila kapag papalapit na ang holiday season.

Bukod pa umano rito ang kabi-kabilaang kalsadang inaayos, na malaki rin ang dinadagdag sa pagbagal ng trapiko.

Para maibsan matinding trapiko, doble-kayod ang MMDA sa paghuli ng mga kotseng ilegal na pumaparada sa mga lansangan.

Sinimulan na ng MMDA Linggo ng gabi ang paglilinis ng alternate routes o mabuhay lanes.

Magkakaroon din ng extended o pinalawig na window hours at ban sa weekend mall sale.

Itatakda rin ang schedule ng mga delivery van alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

"Ang talagang ginagawa natin ay volume reduction," ani Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.