TINGNAN: Davao night market matapos ang pagsabog

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2016 01:52 PM | Updated as of Sep 04 2016 04:10 PM

DAVAO CITY - Walang tinderong sumulpot sa sikat na night market ng Davao City, Sabado, kasunod ng pagsabog na pumatay sa 14 indibidwal doon nitong Biyernes ng gabi.

Sabado ng hapon nang ianunsyo ni Davao City Mayor Sara Duterte ang muling pagbubukas ng palengke bilang pagpapakita na hindi matitinag ng terorismo ang lungsod.

"We will stand up now -- kaagad. Business as usual for Davao City... We will remain unfazed by terrorism," ani Duterte sa isang Misa para sa mga biktima.

Pero kinagabihan, nagmistulang ordinaryong kalsada ang blast site sa Roxas Avenue, na dati'y puno ng mga stall ng pagkain, mga naglalako ng dirty ice cream, tindahan ng mga damit at pila ng mga masahista.

Tanging nagsilbing liwanag sa lugar ang mga kandilang inalay ng mga residente para sa 14 nasawi at 67 nasaktan sa pagsabog.

Ibinahagi ng negosyanteng si Cecilia So ang pangamba na mawalan ng ikinabubuhay kung patuloy na matatakot ang mga tao na bumalik sa night market. Anya, "Malaking epekto talaga sa kita. Sana hindi na matakot ang mga tao."

Emosyonal naman hinikayat ng residenteng si Gemma Marcojos ang mga kababayan na magkaisa sa gitna ng trahedya.

"Mahal namin si Mayor. Sana imbes na i-bash natin siya, tulungan natin. Ano ba kayo para naman tayong hindi mga Pilipino," sabi ni Marcojos.

Mahigit 300 vendors ang nabigyan ng pangkabuhayan ng Roxas Night Market na naging paboritong destinasyon ng mga residente at turista.

Nananatiling nasa ilalim ng lockdown status ang buong Davao City, pero una nang iginiit ng lokal na gobyerno, maging ni Pangulong Duterte na ligtas ang siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.