Swordfish, ipinangsaksak umano ng 2 mangingisda sa tiyuhin

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 11:14 AM | Updated as of Sep 02 2017 11:20 AM

Sugatan ang isang mangingisda ng saksakin umano ng isang swordfish at kagatin sa ulo ng kanyang 2 pamangkin matapos ang isang alitan sa islang bayan ng Jomalig. Paulo Ferrer, ABS-CBN News

LUCENA, Quezon - Sugatan at patuloy na nagpapagaling sa ospital ang isang 49-anyos na mangingisda matapos pagtulungang saksakin umano ng 2 niyang pamangkin gamit ang isang swordfish sa islang bayan ng Jomalig, Miyerkoles.

Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ng saksak sa dibdib at sugat sa ulo ang biktimang si Jonathan Dela Cruz matapos atakihin ng kanyang mga pamangkin na sina Rodel at Waldimar Lucero.

Base sa imbestigasyon, mamamalaot sana ang tatlo nang biglang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga mag-tiyuhin.

Ayon sa mga suspek, nauwi sa suntukan ang alitan at kinailangan nilang ipagtanggol ang sarili kaya nasaksak ang biktima gamit ang mahabang talim ng isda.

Talim ng isang swordfish ang pinangsaksak umano sa mangingisdang si Jonathan Dela Cruz ng dalawang pamangkin nito. Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Ngunit giit ng mga awtoridad, taliwas ang kuwento ng mga suspek sa resulta ng imbestigasyon dahil nagtamo rin ng mga kagat sa ulo si Dela Cruz.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Quezon Medical Center ang biktima habang nasa kustodiya ng Jomalig Municipal Police ang mga suspek.

Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang planong maghain ng kaso laban sa kanilang mga ka-anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.