SOCO: Estudyanteng grade 10, nagtamo ng 36 saksak

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 02:47 PM

Isa sa mga pinakamasasakit na maaaring maranasan ng isang ina ang mamatayan ng anak. Ito mismo ang naramdaman ni Claire noong 2016, nang mamatay ang kanyang anak na si Kenneth Pacheco Velasco.

Masakit pa rin para kay Claire ang pagkamatay ng grade 10 student na anak matapos mahulog sa hagdan at magtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan malapit sa isang eskuwelahan sa Baguio City noong Disyembre 16, 2016.

“Araw-araw nami-miss ko siya. ‘Yung pain nandoon pa rin,” ani Claire.

Kuwento ni Claire, palakaibigan at palabiro ang 16 anyos na anak na nagsisilbi ring bantay ng kanyang ama na nai-stroke.

Uma-absent pa aniya ang anak para bantayan ang ama. 

“Minsan kasi may sudden attacks ‘yung asawa ko, biglang sumasakit ‘yung dibdib. Nahihimatay, ganyan.”

“‘Excuse ka muna.’ Pinagpapaalam ko muna sa school ‘pag ganun tapos ‘pag pumapasok siya. Hahabulin na lang niya uli kung ano ‘yung na-miss niyang activity sa school.”

Bagaman mabigat ang sitwasyong ito ng kanilang pamilya, hindi naman aniya nawala ang positibong pananaw ni Kenneth.

Kaya naman ipinagtataka ni Claire nang mag-iba ang kilos ng kanyang anak tuwing uuwi ito sa kanilang bahay bandang Nobyembre 2016.

“Mga November 2016, parang doon ko na siya napapansin na parang malalim [ang] iniisip ‘pag nakauwi.”

“Kasi pag-uwi niya, nakaupo lang siya tapos parang tuliro. Malalim ‘yung iniisip niya. Tapos sabi ko, ‘May problema ka?’ Ginaganon ko siya. ‘Wala, mama.’ Sabi niya sa akin. ‘Pagod lang ako.’ Sabi niya.”

Ngunit mas malaking palaisipan para kay Claire kung paano naging biktima sa karumal-dumal na krimen ang kanyang anak.

Sa isinagawang autopsy sa bangkay ni Kenneth, napag-alamang 36 saksak ang tinamo niya.

“Out of 36 stab wounds, 7 dito ‘yung fatal. ‘Yung sa neck niya, may mga tama ‘yung sa carotid artery, sa trunk niya, saka esophagus,” ayon sa medico-legal doctor na si Supt. Jaime Leal.

“During the autopsy mayro’n tayong nakitang pasa sa mukha, that is also a possibility na sinuntok siya [during] the stabbing incident,” dagdag ni Leal.

Bukod sa sakit, galit ang nararamdaman ni Claire para sa salarin sa nasabing krimen.

“Parang nagagalit ako [doon sa] gumawa sa kaniya no’n. Bakit nagkagano'n ‘yung anak ko? Hindi ko na alam talaga. Pinakalma ako ng mga nurse doon, pinaupo.”

“Sa ganu'ng dami [ng saksak], sabi ko, bakit ganyan? Parang may galit ‘yung gumawa no’n sa anak ko.”

Sino ang responsable sa pagpatay kay Kenneth, at ano ang motibo sa kasong ito? Subaybayan ang buong kuwento ngayong Sabado sa ‘SOCO’ (Scene of the Crime Operatives) pagkatapos ng ‘Ipaglaban Mo!’ sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.