KILALANIN: 'Top drug lord' ng Iloilo, tinawag na 'high value target'

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 04:21 PM | Updated as of Sep 02 2017 09:03 PM

Napatay ang umanong nangungunang drug lord ng Western Visayas sa isang police operation sa Jaro, Iloilo City noong Biyernes, Setyembre 1.

Nasawi si Richard Prevendido alyas Buang at ang kanyang anak na si Jason.

Ayon kay Provincial Police Office 6 head Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, si Prevendido ay isa sa mga "high value targets" ng kapulisan, at halos parehas ang antas kay Melvin "Dragon" Odicta, na nasawi noong Agosto nakaraang taon.

"So national level siya, hindi siya regional level," ani Binag sa panayam sa DZMM, Sabado ng hapon.

"Grabe 'yung kaniyang operasyon sa pag-supply ng drugs dito sa Region 6, tapos kumukuha siya sa labas," dagdag pa ni Binag.

Enero pa lang umano nang silbihan ng warrant of arrest ng mga pulis si Prevendido dahil sa umano'y paglabag niya sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

"The whole 8,000 police officers ng Region 6 talagang pinahanap ko 'yan," ani Binag.

Nahanap ng mga pulis si Prevendido sa tulong ng kasamahang nanlaglag sa drug lord. May patong sa ulo ni Previndo na nagkakahalagang mahigit P1 milyon.

Nauwi ang mga pangyayari sa putukan, matapos umano manlaban ang drug lord at ang anak.

"We're expecting na [dahil] dito, lalo pang bababa yung supply ng drugs," ani Binag.

Taong 2003 umano nagsimula ang operasyon ni Prevendido.

Kasabay ng pagkamatay ni Prevendido ang pagkansela ng paglipat ni Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City, upang tumayong officer-in-charge ng kapulisan.

Si Espenido ang nagsilbing pinuno ng kapulisan sa Albuera, Leyte nang mapatay si Rolando Espinosa Sr. ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group noong nakaraang taon

Si Espenido rin ang hepe ng Ozamiz City nang mapatay si Mayor Reynaldo Parojinog sa isang raid sa Parojinog family compound noong Hulyo.

Tinawag ni Duterte na "most shabulized" na probinsiya sa bansa ang Iloilo. Kabilang si Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa listahan ng pangulo ng mga narco-politicians.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.