Higit 60 aso, sumalang sa 'search and rescue' training

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 07:20 PM

Sumali ang mahigit 60 aso kasama ang kanilang mga amo sa 'search and rescue' training na isinagawa nitong Sabado sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority K9 Corps at University of the Philippines Vanguard.

Ayon kay Marides Cabral, MMDA volunteer at dog owner, ang layunin ng naturang training ay upang ihanda ang mga aso sa pagtulong sa search and rescue operations sakaling dumating ang ilang sakuna katulad na lamang ng lindol o ang "The Big One".

Sa isang simulation, tinuruan ang mga aso na hanapin ang mga taong nabagsakan ng debris. 

Ang mga asong bago sa training ay tinuturuang maging pamilyar sa iba't ibang klase ng tao, at hinahayaan silang makipaghalubilo sa kapuwa nila aso at amo. 

Sa advanced training, tinuturuan ang mga aso na maghanap ng mga nawawalang tao. Sa isang activity, tinuturuan pa ang mga aso na hanapin ang mga taong nagtatago sa mga damuhan.

Ayon sa dog parent na si Patricia Lim, nalilibang aniya siya sa search and rescue training kasama ang kaniyang aso na si Fritzy. Sinabi niyang maliban sa pagkatuto ng iba't ibang skills, nakukuha rin daw nilang mag-bond at mag-relax kasama ang kaniyang aso. Gusto rin niyang makatulong si Fritzy sa komunidad sakaling magkaroon ng sakuna. 

Natutuwa naman si Jose Enrique Soriano dahil bukod sa libre ang training para sa kaniyang alaga, ay nagagawa rin nilang magsaya ng kaniyang aso. 

Ayon sa MMDA, ang training ay kadalasang tumatagal ng dalawang oras. 

Inaanyayahan ng MMDA K9 Corps ang mga may-ari ng aso na sumali sa kanilang libreng training tuwing Sabado sa UP Vanguard office. Dalhin lamang ang vaccine certificate, panali at 'poop bags' upang makapagparehistro.-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.