Perhuwisyo sa trapiko, ibinuhos sa social media

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 08:24 PM | Updated as of Sep 01 2017 08:45 PM

Sa social media ibinuhos ng mga motorista ang kanilang inis at pagkadismaya sa gapang na daloy ng trapiko sa Metro Manila kahapon, Huwebes, Agosto 31, isang payday long weekend. 

"Dala ho ng iba't ibang factors. Una ho diyan, sahod kahapon, long weekend," paliwanag ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA.

Inaasahang mas titindi ang trapikong mararanasan dahil sa pagpasok ng "ber" months.

Makakaranas din ng trapiko dahil sa konstruksiyon ng mga ilang mga daan at 20-porsyentong pagtaas ng bilang nga mga sasakyan sa Metro Manila.

"Last year, kung makikita niyo, wala pang ganitong construction, kaliwa't kanan. So ngayon pa lang po, maagang dispensa na. Expect po the worst traffic situation in Metro Manila," ani Pialago.

Paiigtingin ng MMDA ang paghatak sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan, clearing operations, mahabang no-window hours, pagtakda sa oras ng mga mga delivery vans at pagbawal sa weekend mall sale.

Ngayong Setyembre 1, alas-11 ng gabi rin magsisimula ang road reblocking sa ilang kalsada sa Caloocan, Quezon City at Pasig. Bubuksan ang mga ito sa Setyembre 4, alas-5 ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.