OFW sa Jordan, naospital matapos mabangga ang sinasakyan

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 04:39 PM

Nasa pangangalaga ng embahada ng Pilipinas sa Jordan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtamo ng bali sa iba't-ibang bahagi ng katawan matapos mabangga ang sinasakyan.

Sa isang panayam sa programang Lingkod Kapamilya sa DZMM, sinabi ni Sheila Collamar na na-confine sa Al Essra Hospital sa Amman ang kanyang kapatid na si Sharon Collamar Pellazar.

 

Agosto 15 nang mabangga ang sinasakyan ni Sharon subalit Agosto 24 nang makarating kay Sheila ang kondisyon ng kapatid sa pamamagitan ng Facebook post ng isang kababayan sa Amman.

Nilagyan din ng brace sa leeg si Sharon at hindi umano maigalaw ang buong katawan.

Ayon kay Sheila, nagsilbi bilang domestic helper si Sharon subalit tinakasan nito ang employer. Isa rin umanong undocumented worker si Sharon.

Tiniyak ni Josephine Sanchez-Tobia, welfare officer sa Overseas Workers Welfare Administration, na nasa pangangalaga na ng Philippine Overseas Labor Office sa Amman si Sharon.

Binayaran ng nakabangga kay Sharon ang kanyang hospitalization na sinasabing nagkakahalagang US$25,000 o P1.275 milyon.

Nangako rin ang nakabangga na babayaran nito ang immigration penalties at tiket ni Sharon pabalik ng bansa kapag maaari na itong bumiyahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.