Lalaki patay sa pamamaril sa Baguio

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 09:06 PM

Patay ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin sa Baguio City, Huwebes ng gabi.

BAGUIO CITY—Patay ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin sa Lower Magsaysay, Baguio City nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Felicito Todlem, na nakatambay sa harap ng isang inuman nang pagbabarilin bandang alas-onse ng gabi.

Ayon sa pulisya, tumagos ang bala ng kalibre .45 na baril sa kanang pisngi ng biktima.

"Ongoing [ang] investigation namin ngayon. May witness naman tayong nakuha," ani Police Chief Insp. Gil Balacoa.

Ayon sa kanyang kapatid na si Regino at anak na si Kris, wala silang nakikitang dahilan para patayin si Felicito.

“Hanapin natin ‘yung may kasalanan sa kanya. Ang alam ko naman wala siyang kaaway, wala siyang sinasabi sa akin,” ani Regino.

Sinubukan ng ABS-CBN News na hingan ng pahayag ang tatlong witness ngunit tumanggi ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.