Kawani ng DepEd sa Guihulngan City, patay sa pamamaril

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 08:38 PM | Updated as of Sep 02 2017 09:53 AM

Photo courtesy of Negros Oriental Police Provincial Office

Isang 46-anyos na lalaki na kawani ng Department of Education (DepEd) at sinasabing supporter ng mga rebeldeng komunista ang binaril at napatay ng mga hindi pa kilalang salarin Miyerkoles ng umaga sa Guihulngan City.

Nakilala ang biktima na si Oscar Asildo Jr., Administrative Assistant III ng DepEd. Binaril siya ng dalawang lalaki sa tapat ng South Central School habang papasok sa kanyang sasakyan.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, posibleng sinubaybayan ng mga suspek ang biktima lalo't nakita pa umano sila na magkatabing nakaupo sa isang karenderya. 

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung sino ang mga suspek ngunit duda sila na may kaugnayan sa trabaho ang pamamaril. 

Maliban sa pagiging isang kawani ng DepEd ay isang organizer din umano ang biktima para sa militanteng grupo na Bayan Muna at supporter din ng New People’s Army.

Naghahanap na ngayon ang pulisya ng mga testigo na makakapagsalarawan sa dalawang gunmen lalo't 'di nakatakip ang kanilang mukha nang isagawa ang pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.