Karapatang manirahan sa Pasig, patuloy na ipaglalaban: Kadamay

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 04:56 PM

MANILA - Hindi natitinag ang mga residente ng Manggahan Floodway sa Pasig City matapos ang naganap na magulong dispersal ng awtoridad sa kanilang barikada nitong Huwebes.

“Ipagpapatuloy po namin ang pagpo-protekta ng aming mga karapatan sa aming ipinaglalaban. Ang ipinaglalaban namin dito ay ang aming rights dahil kami sa lugar na 'yan ay may naninirahanng 40 years, merong 10 years, 20 years,” sabi ni Rodrigo Villareal, lider ng grupong Balikwas-Kadamay.

Ayon kay Villareal na may 22-taon nang naninirahan sa nasabing lugar sa Barangay Sta. Lucia, nabigyan sila ng deadline ng notice for demolition ng lokal na pamahalaan kaya’t pinaghandaan nila ito.

“May abiso ang local government ng Pasig na hanggang doon na lang ang deadline nila sa kusang pagbaklas ng aming kabahayan sa Sta. Lucia. Pinaghandaang maige ng grupo ng mga asosasyon ng baway purok sa amin na protektahan ang mga kabahayan along Floodway Pasig, Barangay Sta. Lucia,” sabi ni Villareal.

Kuwento niya, binarikadahan nila ang isang bahagi ng kalsada at malaya pa ring nakadaan ang mga sasakyan. Pero nang dumating ang mga awtoridad at reinforcements nito, dito na umano nagsimulang mangamba ang mga residente na baka ituloy sa araw ding iyon ang demolisyon.

“Kasi po ang balita, 'yung demolition team talagang naka-amba talaga, nandoon lang may distansiya sa nagaganap na barikada,” aniya.

Tumaas pa ang tensiyon at natuloy sa batuhan nang atrasan umano ng isang sasakyan ng city government ang barikada na pinangunahan ng mga kababaihang residente.

“Pilit na iniatras 'yung Elf. Kaya po nagkatensiyon ng malaki dahil po maiipit na 'yung tao doon sa pagitan ng barikada at likuran ng Elf. Habang binobomba [ng tubig], umaatras 'yung Elf, madidisgrasya ang mga tao,” paliwanag niya.

Sa ulat kahapon, giit ng awtoridad na wala naman umanong magaganap na demolisyon sa lugar gaya ng ikinakatakot ng mga tao roon.

“Bakit sila nandoon? Sa tingin namin, balak kaming sorpresahin ng LGU (local government unit) para mabigla at hindi makapaghanda ang tao. Subalit sa kadahilanan ng paghahanda din ng aming kasamahan, kami po ay naka-prepara para barikadahan ang aming lugar,” sabi niya.

Umabot sa 41 katao ang inaresto ng Pasig City Police dahil sa naganap na dispersal noon Huwebes. Ilan sa mga arestado ay mga menor de edad.

“Actually, damay lang po talaga kasi 'yung iba po nasa loob na ng bahay isinali nilang damputin. Nasa loob lang ng bahay,” paliwanag niya.

Kakasuhan ang mga naaresto ng illegal assembly, direct assault, at resistance and disobedience.

Nangako naman ang Bayan Muna at ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na bibigyan ng ayuda ang mga inarestong kasapi ng Kadamay.

Nitong Biyernes, binisita ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang mga naaresto para personal na tingnan ang kanilang kalagayan at nangako na bibigyan sila ng kaukulang atensyon ng mga sumusuporta sa grupo.

“Pagtutulungan 'yan ng mga miyembro at mga grupong sumusuporta. Depende kung ano 'yung charges. Wala naman tayong pondo para sa ganyan kaya nananawagan tayo na sana pag-isipang maigi ang pagpa-file ng mga charges na ganyan na sa tingin namin ay pananakot lamang talaga, mga charges para pahinain ang loob ng mga mamamayan na lumalaban para sa kanilang karapatan,” ani Zarate.

Sinabi naman ng abogadong si Maria Kristina Conti ng NUPL na isa sa mga problema nila ang usapin patungkol sa piyansa.

“Problematic po kami sa piyansa. Dahil ang piyansa kung illegal assembly ay P500, pero kung papatawan pa ng direct assault, mula P10,000 yata o P12,000 ang piyansa nito. Nagbibilang din po kami ng oras. Kahit sinong nahuli, may prescribed period. Kailangan silang imbestigahan sa loob ng 12 hours, 18 hours or 36 hours,” sabi niya.

Nanindigan naman ang Pasig City Police na may basehan para arestuhin ang mga nagbarikada na karamihan umano ay hindi naman residente sa lugar.

“Meron pong taga San Miguel, Bulacan, may iba po taga Cainta at may ibang taga karatig barangay ng Pasig. Hindi po sila taga doon sa Eastbank Road,” pahayag naman ni Chief Inspector Roberto Garcia. -- May ulat ni Henry Atuelan, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.