Iba't ibang gov't ID, pag-iisahin sa national ID

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 06:53 PM | Updated as of Sep 02 2017 12:08 AM

Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukala para sa libreng ID para sa lahat ng Pilipino sa loob at labas ng bansa na edad 18 pataas.

Matagal nang panukalang batas ang National Identification System, pero nitong gabi ng Miyerkoles, Agosto 30, nakalusot din ito sa second reading sa House of Representatives. 

Ang House Bill No. 6221 o National I.D. System ay tatawagin ding 
Filipino I.D. System o FilSys. 

Magagamit ang naturang ID sa lahat ng transaksiyon sa gobyerno at pribadong sektor dahil taglay nito ang common reference number na panghabambuhay na gagamitin.

Bukod sa buong pangalan, naka-imprenta sa Fil-ID ang litrato, kasarian, petsa at lugar ng kapanganakan, blood type at permanent address ng may-ari. Dagdag pa rito, ang lahat ng mga government ID numbers ay pagsasama-samahin na rin sa Fil-ID tulad ng mga sumusunod:

- Voter's Identification Number; 
- Philippine Passport number;
- Tax Identification Number; 
- Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) membership number;
- Professional Regulation Commission registration number;
- Government Service Insurance System number; 
- Social Security System number; 
- Home Development Mutual Fund (HDMF/PAGIBIG) membership number; at 
- Driver's license.
    
Lahat ng iyan ay rehistrado sa database ng FilSys pati na rin ang estado kung senior citizen, may kapansanan o solo parent. 

Kapag nawala ang Fil-ID, may bayad ang kapalit.

Layon ng national ID System na pag-isahin na ang mga iba't ibang government ID upang mapabilis at maiwasan na rin ang red tape sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ayon kay Rep. Sol Aragones, chair ng House committee on population, ang maganda raw aniya sa panukalang batas ay hindi magkakaroon ng access ang mga pulis at militar sa national ID ng isang tao.

Samantala, pinaaalis naman ni Aragones ang ilang mga sensitibong impormasyon na ilalagay sana sa national ID katulad na lamang ng datos sa relihiyon at politika base na rin sa apela ng ilang mga kongresista.

Inaasahang sa mga susunod na araw ay maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 6221.

Inaasahan ding tatrabahuhin na rin ng Senado ang mga bersiyon nito ng panukalang batas na isa sa mga prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.