Dating pulis patay sa pamamaril sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 03:21 PM

Patay sa pamamaril ang retiradong pulis na si Abubakar Gulam Huwebes ng gabi. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Isang retiradong pulis ang namatay sa pamamaril sa Barangay Baliwasan dito, Huwebes ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, tatlong beses binaril sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang suspek ang dating SPO1 na si Abubakar Gulam habang kasama nitong naglalakad pauwi ang kanyang misis.

Ayon kay Divina Gulam, asawa ng napaslang na pulis, nasa isang madilim at makitid na eskinita sila ng mabaril ang kanyang mister ng malapitan.

Dagdag ng misis ni Gulam, hindi niya namukhaan ang suspek na nakasuot ng berdeng camouflage na pang-itaas.

Ayon kay Supt. Areston Limos, hepe ng Police Station 11, pinag-aaralan ng mga imbestigador kung totoo ang sinabi ng ilang kamag-anak ng biktima na maaaring may kinalaman sa clan war sa Sulu ang pamamaslang.

Bagamat tumigil na sa serbisyo si Gulam noong 2013, iimbestigahan pa rin kung may kinalaman sa naging trabaho niya bilang pulis ang pagpatay, dagdag ni Limos.

Patuloy pang naghahanap ng saksi ang mga pulis bukod sa asawa ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.