NBI, naghain ng murder vs 4 pulis sa Kian case

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 10:23 PM

Nagsampa na ng kasong kriminal ngayong Huwebes ang National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang Department of Justice (DOJ) laban sa apat na pulis Caloocan na diumano'y sangkot sa pagpatay sa Grade 12 student na si Kian Loyd delos Santos noong Agosto 16 sa kanilang anti-drug operation.

Matapos ang dalawang linggong imbestigasyon, isinampa na ng NBI- Death Investigation Division ang kasong murder laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz at ang nasibak nilang hepe ng Caloocan police na si Chief Inspector Amor Cerillo.

Sinama rin si Cerillo sa reklamo dahil nasa lugar siya nang mangyari ang police operation, ayon sa NBI.

Sa pagsusuri ng NBI, hindi anila kapani-paniwalang nanlaban si delos Santos sa mga pulis. Malabo rin daw na nakapagtago siya ng baril at shabu lalo't naka-boxer shorts lang ang binata. 

Bukod sa tatlong mga testigo na hawak ni Senadora Risa Hontiveros, may nakuha ring pitong mga testigo ang NBI na nakakita at nakarinig sa pagkakahuli at pagkaladkad kay delos Santos. 

Samantala, dati nang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na 'blown out of proportion' ang kaso, at sinabi rin niya nitong Huwebes na hindi collateral damage si delos Santos sa laban kontra ilegal na droga ng administrasyon.
 
"Unlike the other killing of some minors, this is not a collateral damage because from the evidence, from the video, from the CCTV, it appears that this (delos Santos' slay) is an illegal killing," ani Aguirre.

Iginiit din ni Aguirre na 'isolated case' ang pagkamatay ni delos Santos. 

Tinanggi rin niya na sa kaniya nanggaling ang report na binayaran ng Liberal Party ang magulang ni delos Santos para gamitin sila sa pamumulitika.

Nauna nang nagsampa ng kasong murder ang Public Attorney's Office laban sa mga sangkot na pulis. Mayroon ding hiwalay na imbestigasyon ang Office of the Ombudsman at Commission on Human Rights kaugnay sa kaso.

Umaasa ang NBI na pag-iisahin na lang ng korte ang mga reklamo at ebidensiya na isinampa ng iba't ibang ahensiya. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.