Karpintero, patay sa pananaksak sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 11:51 PM | Updated as of Sep 01 2017 11:10 AM

Natagpuang patay at puno ng saksak si Dennis Quero sa Palo, Leyte nitong Huwebes. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Patay ang isang karpintero matapos magtamo ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan sa Palo, Leyte nitong Huwebes ng umaga.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, posibleng ilang oras nang patay ang biktimang si Dennis Quero bago ito matagpuan ng anak at ng ilang ka-trabaho sa pinagtatrabahuhang developer sa isang subdivision.

Nakuha malapit sa katawan ng biktima ang isang kutsilyo na posibleng naiwan ng salarin matapos ang krimen.

Sa isang pedicab naman nakuha ang cellphone, damit, at tsinelas ng biktima.

Dagdag ng pulisya, mayroon na silang suspek pero hindi muna ito pinangalanan habang patuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Richard Quero, anak ng biktima, natagpuan niya ang kanyang ama malapit sa mga bakal kung saan ito nagtatrabaho.

“Pagpasok ko kanina hinanap ko siya. Nang hindi ko mahanap, kinabahan na ako. Patay na pala,” aniya.

Dagdag nito, Miyerkoles ng gabi ang huli nilang pag-uusap ng ama dahil hindi ito umuuwi sa Tacloban City.

Matagal na umanong karpintero ang kanyang ama at wala siyang impormasyon kung may kaaway ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.