Imee, umiwas magsalita tungkol sa solian ng 'nakaw' na yaman

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 07:05 PM | Updated as of Aug 31 2017 09:45 PM

Galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang balitang handa ang mga Marcos na isauli ang bahagi ng umano'y nakaw nilang yaman, pero nang tanungin si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ngayong Huwebes sa Kamara kung totoo ang sinabi ng pangulo, sinabi niyang pag-uusapan na lang ito ng kanilang mga abugado.

Itinanggi din niyang may negosasyon para rito pero tiwala siyang si Duterte ang makapagtatapos sa deka-dekadang kaso ng pamilya Marcos. 

Hindi rin niya direktang sinagot ang kumakalat na balitang tone-toneladang gold bar ang kasama umano sa mga yaman ng pamilya Marcos.

Diskumpiyado naman si Bise Presidente Leni Robredo sa balitang magsasauli ng umano’y nakaw na yaman ang mga Marcos. 

Kung talagang taos-puso ang mga Marcos, dapat daw ay noon pa nila isinauli ang lahat ng ninakaw dahil pag-aari iyon ng mga Pilipino, ayon kay Robredo. Pinagtatakhan din ng bise presidente kung pag-amin na nga ba ito ng mga Marcos na mayroon silang umano’y nakaw na yaman.

Babala naman ni dating Presidential Commission on Good Government Commissioner Ruben Carranza sa gobyerno, walang kontrol ang pamilya Marcos sa mga yamang isasauli umano nila. Walang katiyakan kung matutupad ng gobyerno ang pangakong ito dahil hanggang ngayon ay "frozen" pa rin sa ibang bansa ang mga yaman ng pamilya Marcos.

Ilegal din ang anumang kasunduan para isauli ang umano'y nakaw na yaman dahil may hatol na rito ang Korte Suprema, ayon pa kay Carranza.

Dagdag pa niya, balakid din ang batas na nagmamandong ibayad sa mga biktima ng human rights abuses ang mababawing umano’y nakaw na yaman at ang posibleng epekto ng anumang kasunduan sa ibang kasong inihain laban sa pamilya, dahil walang pag-amin ang pamilya Marcos sa mga krimen kaugnay ng umano’y nakaw na yaman.

Dati na ring iniutos ng Korte Suprema na kung may kasunduan, dapat ilantad ito sa publiko, at hindi dapat maabsuwelto sa krimen o babayarang buwis ang mga Marcos.

Sigaw din ng Makabayan bloc sa Kamara na dapat ay papanagutin ang pamilya Marcos at isauli ang lahat ng ninakaw nila sa bayan. Kinuwestiyon din nila kung bakit si Pangulong Duterte ang nagsasabi ng pagsasauli ng umano’y nakaw na yaman at kung mayroon bang nagaganap na negosasyon sa halaga ng isasauli.

Hinala naman ni Atty. Robert Swift, isang Amerikanong abogado ng human rights victims noong diktadurya, tinitimpla ng pangulo at pamilya Marcos ang damdamin ng tao kung madi-dismiss ang mga kaso nila.

Para din kay Swift, paghahanda na rin ito sa pagiging bise presidente ni Bongbong Marcos o pagtakbo niya bilang pangulo. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.