ALAMIN: Paano makaiiwas sa leptospirosis?

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 06:53 PM | Updated as of Aug 31 2017 09:38 PM

Nasa 96 na ang namamatay sa bansa dahil sa leptospirosis mula Enero hanggang Agosto 5 ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, kadalasang hindi naaagapan ang sakit kaya nasisira ang bato ng pasyente. 

Pumalo na rin sa 910 ang kaso ng leptospirosis sa bansa mula Enero hanggang Agosto 5 ngayong taon. Mas mataas ito kumpara sa 532 naitalang kaso noong nakaraang taon.

Paano makaiiwas sa sakit na ito? 

Paliwanag ng DOH, nakukuha ang leptospirosis mula sa ihi ng daga na humahalo kadalasan sa baha. Maaari rin itong makuha sa putik na kontaminado ng bacteria na leptospira.

Ayon pa kay DOH Assistant Secretary Eric Tayag, maaaring kumapit ang bacteria sa balat sa pamamagitan ng mga sugat.

Puwede rin aniyang pumasok sa ilong, mata, at bibig ang bacteria kapag lumangoy sa baha o putik na kontaminado nito.

Kapag nakapasok na sa katawan ang bacteria, kakalat ito sa iba pang bahagi at kadalasang kumakapit sa bato.

Paalala naman ng DOH sa publiko, iwasang lumangoy, lumusong, at maglaro sa baha. Kung kailangang lumusong dito, ipinayo rin na magsuot ng bota.

Sinabihan din ang publiko na agad magtungo sa doktor at magpasuri kapag nakaranas na ng lagnat, panginginig, pananakit ng kasu-kasuan, pamumula ng mata, hirap sa pag-ihi, at paninilaw ng balat matapos lumusong sa baha.

Mayroon ding gamot na maaaring inumin para makaiwas sa leptospirosis at puwedeng pumunta sa health center o sumangguni sa doktor upang makakuha nito. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.