'2 mahistrado, handang tumestigo vs Sereno'

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 10:03 PM

Dalawang mahistrado ang handang tumestigo sa reklamong impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ayon kay Atty. Lorenzo Gadon.

Ayon kay Gadon, pinaghahandaan na ang mga ilalabas na ebidensiya at testimonya sa impeachment complaint at maaari pang madagdagan ang mga testigo. May iba pa umano siyang ipapa-subpoena na mga dokumento at testigo.

Gagamitin din ni Gadon ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Sereno mula 2010-2017 para patunayang may hindi siya idinedeklarang yaman.

Bukod pa ito sa mga paratang na pagwaldas ng pera ng Korte at umano'y pagkilos nang walang basbas ng kaniyang mga kapwa mahistrado.

Pahayag ni Gadon, aabot sana ng 42 kongresista ang pipirma sa endorsement ng reklamo kagabi kaya lang nag-uwian na sila dahil ginabi ang filing.

Pero malamig naman ang Makabayan bloc sa reklamo dahil na rin sa maaapektuhang trabaho sa Kamara at epekto nito sa demokrasya.

"So nakikita natin 'yung pattern dito. Lahat ng institution na posibleng magsisilbi bilang check and balance lalo na sa pangulo ay tinatarget either ng harassment, pang-iipit, or impeachment," ani Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers party-list.

Umiiwas naman ang Palasyo sa pagbigay ng pahayag sa impeachment.

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ginagalang nila ang mga kilos ng Kamara sa impeachment.

Wala namang sagot ang kampo ng Chief Justice tungkol sa reklamo.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.