Suspek sa droga, binugbog umano ng mga pulis

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2016 09:23 AM

Inireklamo ng isang drug suspect ng pambubugbog ang pulisya ng Laoag, Ilocos Norte.

MANILA - Isang hinihinalang tulak-droga ang binugbog umano ng mga pulis sa gitna ng buy-bust operation sa Laoag, Ilocos Norte Miyerkules.

Nagtamo ng black eye at sugat sa kamay ang 36-anyos na suspek na si Jeferson Gomez. Nahirapan din siyang huminga dahil sa panununtok umano ng mga pulis sa kanyang tagiliran.

Kwento ni Gomez ukol sa kanyang pagkaaresto, "Marami sila, silang lahat bumugbog sa akin parang hindi sila makuntento. Kita naman sa mukha ko."

Iginiit din niyang itinanim lamang ng mga pulis ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at P1,000 marked money na narekober sa kanya.

Itinanggi naman ng pulisya ang alegasyon ng suspek.

"Naghinala siya na pulis na pala kaharap niya, tumakbo. 'Yun nagkahabulan, bumagsak sila sa ground, doon nagka-rambol," ani Laoag police chief, Superintendent Edwin Balles.

Dagdag ng pulisya, itinuturing si Gomez bilang ika-6 na most wanted drug personality sa Laoag.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakahanda ang mga awtoridad sakaling samapahan din sila ng reklamo ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.