Sanggol, ibinenta umano ng ama sa halagang P5,000

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 12:30 PM | Updated as of Aug 31 2017 12:07 AM

SOLSONA, Ilocos Norte - Arestado ang isang lalaki Miyerkoles, matapos umanong ibenta ang 1-buwang gulang na anak sa halagang P5,000.

Ayon sa ina ng bata na si Lanalyn Bitun, ibinenta umano ng kanyang ka-live in na si Francisco Palacio sa isang babaeng nagpakilala bilang si Catherine Garcia.

Ayon kay Bitun, unang nagpakilala si Garcia sa kanila noong bagong panganak pa lamang siya sa ospital.

"Nag-alok siya na tumulong sa mga gastusin at kailangan ng sanggol, pero gusto niya hiramin yung bata para ipakilala sa mga kamag-anak niya bilang anak niya," saad ni Bitun.

Ayon kay Bitun, dinala siya ni Garcia sa isang hotel sa Laoag City at dito na sapilitang kinuha ang sanggol dahil nagbayad na daw ito ng P5,000 kay Palacio.

Nagbanta si Garcia na papatayin ang sanggol kung mag-eeskandalo at hihingi ako ng tulong sa iba, dagdag ni Bitun.

Saad ni Bitun, sumakay ng isang pampasaherong van patungong Cagayan si Garcia kasama ang sanggol.

Inamin ni Palacio na tumanggap siya ng P5,000 mula kay Garcia, ngunit giit ng niya, inakala niyang para lamang iyon sa mga gastusin ng sanggol.

Haharap sa kasong human trafficking si Palacio.

Ayon sa hepe ng Solsona Police na si Ralph Dayag, patuloy na hinahanap ng mga pulis ang babaeng tumangay sa sanggol matapos makakuha ng CCTV footage na nagpapakitang bitbit pa ng babae ang sanggol.

Bineberipika pa ng mga awtoridad kung tunay napangalan ng babae ang Catherine Garcia, o isang alyas lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.