Negosasyong Duterte-Marcos, haharangin ng ilang biktima ng martial law

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:17 PM | Updated as of Aug 31 2017 12:46 AM

DOJ: Kasunduan sa mga Marcos maaaring makaapekto sa mga kaso ng PCGG

Umalma ang ilang mga biktima ng batas militar sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang makipagtulungan sa pamilya Marcos ukol sa posibleng pagbababalik ng umano'y nakaw na yaman ng mga ito.

Sa panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Bonifacio Ilagan, convenor ng grupong Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (CARMA), na hindi niya matanggap na ibabalik ng pamilya Marcos ang bahagi lang ng mga umanong ninakaw nila.

Aniya, kung matuloy ang usapan sa pagitan ng mga Marcos at ng pamahalaan, tila hindi na mapapanagot ang pamilya sa mga umano'y pang-aabuso noong batas militar.

Nakulong at na-torture si Ilagan sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Maliban kay Ilagan, nagsabi rin si dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales, isa ring biktima ng batas militar, na desidido siyang labanan ang nakaambang negosasyon sa pagitan ni Duterte at ng pamilya Marcos.

Sa isang talumpati sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Duterte na may kinatawan ng mga Marcos na nakipag-ugnayan sa kaniya para pabuksan ang kanilang bank accounts at ibigay ang laman nito, pati na aniya ang ilang gold bar, sa gobyerno.

"I will not name the spokesman. Sabi nila na they'll open everything and probably return 'yong nakita lang... Maybe this year, ang projected deficit spending would be big," aniya. 

''Baka makatulong. Pero hindi ito malaki," ani Duterte. 

"'But we are ready to open and bring back,' sabi niya, 'pati 'yong a few gold bars.' Hindi gano'n kalaki, it's not a Fort Knox, it's just a few. But sabi nila, isauli nila para walang ano," sabi ng Pangulo, na tumutukoy sa base ng Amerika na taguan ng ginto. 

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kailangan pa umanong pag-aralan ang kasunduan, dahil may epekto ito sa mga kasong hawak ngayon ng PCGG.

Mahigit 200 pa ang kasong hawak ng PCGG ngayon na may kinalaman sa mga Marcos.

Sa loob ng tatlong dekada, nasa P170 bilyon pa lang ang nababawi ng PCGG mula sa pamilya at mga crony ni Marcos. Pero tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang umano'y nakaw na yaman ng mag-anak.

Ilang mambabatas, pabor na maibalik ang 'ninakaw'

Pinaboran naman ng ilang mambabatas ang pagbabalik ng Marcos ill-gotten wealth.

Pero giit nila, dapat pa ring akuin ng pamilya Marcos ang mga naging paglabag sa karapatang pantao habang nasa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

"Tama lang naman, dapat lang namang ibalik nila 'yong perang nanakaw sa bayan. So itong pag-uusap ni Pres. Duterte at ng mga Marcos, sana talaga ibalik lahat ng perang nanakaw nila," ani Senador Bam Aquino na mula sa angkan ng mga Aquino, kilalang karibal sa pulitika ng pamilya Marcos.

"Kung mayroong offer, kung negotiation, it should be pursued. Sabi ko nga, any addition to the National Treasury in terms of pesos and centavos, malaking tulong sa bayan natin 'yon. Saka na pag-usapan 'yong kung ano ba 'yong kasunduan," saad naman ni Senador Panfilo "Ping" Lacson.

"Donations to the government are welcome, basta walang kapalit, tuloy ang kaso," giit ni Senate President Koko Pimentel, anak ng human rights lawyer na si dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel Jr. "Kung connected 'yan with the case, then we better clarify everything before accepting."

"Magandang development 'yan, pero sana... huwag sana 'yong kapiraso lang, sana 'yong buo na," ani House Speaker Pantaleon Alvarez.

Samantala, kinompirma sa ABS-CBN News ng ilang malalapit sa mga Marcos ang tungkol sa pakikipag-usap ng pamilya sa Pangulo.

Si Ginang Marcos daw mismo ang nagdesisyon tungkol dito sa pag-asang tuluyan nang matuldukan ang usapin sa kanilang ill-gotten wealth. 

-- Ulat nina Christian Esguerra at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.