Mga mambabatas, OK mabawi ang Marcos wealth, basta...

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 10:48 PM | Updated as of Aug 30 2017 11:02 PM

Mahigit 30 taon mula nang mabunyag ang umano'y mga ninakaw na yaman ng pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, muling nabuhay ang interes na makuha ito matapos sabihin ni Pangulong Duterte nitong Martes, Agosto 29, na inaalok nang isauli ng pamilya Marcos ang mga yamang patuloy pa ring hinahabol ng gobyerno.

Positibo ang pagtanggap sa balitang ito ni Senador Bam Aquino na mula sa angkan ng mga Aquino, kilalang karibal sa pulitika ng pamilya Marcos.

"Tama lang naman, dapat lang namang ibalik nila 'yong perang nanakaw sa bayan. So itong pag-uusap ni Pres. Duterte at ng mga Marcos, sana talaga ibalik lahat ng perang nanakaw nila," ani Aquino.

Ayon kay Senador Panfilo "Ping" Lacson, minsan nang ipinakita sa kaniya ni dating Unang Ginang at ngayo'y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos ang bulto ng photocopy ng umano'y 'gold certificate' na sabi raw ni ginang Marcos ay produkto ng matagal nang pagsali sa gold trading ng asawa niyang si Ferdinand bago pa siya naging pangulo. Pero di raw nakumpirma ni Lacson kung tunay ang gold certificates.

"Kung mayroong offer, kung negotiation, it should be pursued. Sabi ko nga, any addition to the National Treasury in terms of pesos and centavos, malaking tulong sa bayan natin 'yon. Saka na pag-usapan 'yong kung ano ba 'yong kasunduan," saad ni Lacson.

May paalala naman sa pangulo si Senate President Koko Pimentel, anak ng human rights lawyer na si dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel Jr. 

"Donations to the government are welcome, basta walang kapalit, tuloy ang kaso," giit ni Pimentel. "Kung connected 'yan with the case, then we better clarify everything before accepting."

Ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan, dapat paniwalaang sinsero ang mga Marcos sa iniaalok nila sa gobyerno, kung magso-sorry din ang pamilya sa mga naging biktima ng rehimeng Marcos noon. 

Gusto naman ni Senadora Risa Hontiveros na Presidential Commission on Good Government (PCGG) pa rin ang humabol sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Naunang sinabi ni Duterte na sa halip na ipaubaya sa PCGG, posibleng magtalaga siya ng bagong tao para tutukan at mangasiwa sa accounting at turnover ng sinasabing ill-gotten wealth ng mga Marcos.

Sabi naman ng noo'y biktima ng martial law at ngayo'y Albay Representative Edcel Lagman, maliban sa kabuuang halagang iniaalok sa gobyerno ng mga Marcos, dapat ding tukuyin ng pamilya kung sino-sino ang may hawak nitong yaman ngayon, saan ito matatagpuan, kailan ito planong isauli at kung may kondisiyon bang kapalit lahat ito.

Maging si House Speaker Pantaleon Alvarez gustong maibalik ang nakaw na yaman ng mga Marcos.

"Magandang development 'yan, pero sana... huwag sana 'yong kapiraso lang, sana 'yong buo na," ani Alvarez.

Samantala, tahimik man ang mga Marcos, kinompirma sa ABS-CBN News ng ilang malalapit sa mga Marcos ang tungkol sa pakikipag-usap ng pamilya sa Pangulo.

Si Ginang Marcos daw mismo ang nagdesisyon tungkol dito sa pag-asang tuluyan nang matuldukan ang usapin sa kanilang ill-gotten wealth. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.