Ilang barangay sa central business district ng Baguio, kabilang sa '10 pinakamarurumi' ng lungsod

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 08:05 PM

Iginiit ng pamahalaan ng Baguio City nitong Martes na kailangang pagtuunan ng pansin ang kalinisan sa central business district, dahil lumalabas na karamihan umano ng pinakamaruruming barangay sa lungsod ay naririto.

Paalala ng lokal na pamahalaan ng Baguio, kailangang ayusin ang mga barangay lalo na't ika-11 na sa mga highly urbanized city sa buong Pilipinas ang lungsod.

Ayon sa Baguio City government, kabilang sa 10 pinakamaruruming barangay sa lungsod ang mga sumusunod:

-Kayang-Hilltop,
-Abanao Zandueta-Kayang-Chugum-Otek (AZKCO),
-Upper Magsaysay
-Malcolm Square-Perfecto (Jose Abad Santos),
-Harrison-Claudio Carantes,
-Upper Market Subdivision,
-North Sanitary Camp,
-Imelda R. Marcos (La Salle),
-St. Joseph Village,
-Pinget, at
-Rizal Monument Area.

Ayon kay Councilor Elmer Datuin, makikipagpulong siya sa mga opisyal ng mga barangay na kasama sa listahan, upang tulungang pagandahin ang kani-kanilang mga barangay.

Aniya, kailangang kaaya-aya sa mga turista ang central business district ng Baguio, dahil narito ang mga tourist destination gaya ng Malcolm Square, na tinatawag ding "People's Park", at ang Rizal Monument sa Burnham Park.

Ayon kay Shaun Lorenzana, kagawad ng barangay Rizal Monument Area, isang paalala ang pagsama ng kanilang barangay sa listahan na hindi sila dapat magpabaya. Dalawang sunud-sunod na taon sila umanong hinirang na "cleanest barangay" sa Baguio.

Sabi ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan, bibigyan nila ng hanggang Disyembre ang mga nasabing barangay para ayusin ang kanilang lugar.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.