Paalala ng law dean: Impeachment, dapat sa mga pinakaseryosong sala

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 10:13 AM | Updated as of Aug 31 2017 11:06 AM

MAYNILA - Aminado ang dekano ng San Beda Graduate School of Law na mas dumaling maghain ng impeachment complaint laban sa mga matataas na opisyal matapos ang pagsipa sa puwesto sa yumaong dating Chief Justice Renato Corona.

Pero para kay Fr. Ranhilio Aquino, hindi ibig-sabihin nito ay impeachment na kaagad ang remedyo sa mga mapupunang mali ng mga nasa poder, lalo't sa mga pinakaseryosong sala dapat ito inihahain.

"Kung yung misstated SALN lang 'yung naging basehan ng pag impeach ng isang chief justice, well, that considerably makes it easier to impeach equally high ranking officials... Andaming nawasak dahil diyan sa impeachment ni Corona," ani Fr. Aquino.

Si Corona ay na-impeach noong 2011 dahil sa yamang hindi niya naideklara sa kanyang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN). Taong 2012 nang hatulan siyang nagkasala ng Senadong tumatayong impeachment court.

Kuwestiyonableng SALN din ang isa sa mga basehan ng impeachment complaint na inihain laban kay Comelec Chairman Andy Bautista, gayundin sa ihahain pa lamang na reklamo laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Bukod sa SALN, batayan din ng reklamo kay Sereno ang kanyang umano'y sobra-sobrang paglalakbay, gayundin ang umano'y maluhong sasakyan na binili ng Korte Suprema para sa punong mahistrado.

"I would proceed very cautiously. I will still maintain the traditional Constitutional theory that impeachment should be used for the most serious offenses. I really strongly urged our legislators to be prudent in using the impeachment instrument," aniya.

"The impeachment instrument was never meant to get back at one's political foes or at those who you perceive as impediments to your own objective and plans," dagdag pa ng dekano.

Bagama't para kay Fr. Aquino hindi pa ganoon kaseryosong batayan ang batayan ng impeachment sa punong mahistrado, magandang paalala naman aniya ito sa matataas na opisyal ng gobyerno na ang mamamayan ay nakatutok sa kanilang mga kilos.

Bukod kay Bautista at Sereno, may mga reklamong impeachment na rin Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo. Naibasura na ang reklamo kay Duterte, samantalang wala namang nag-eendorso pa ng kay Robredo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.