Negosyante, nahulihan ng mga armas, bala sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 11:33 PM

Nakuha mula sa isang negosyante ang isang KG-9 submachine gun, .45 caliber pistol, 9mm pistol, at mga magasin.

CEBU CITY—Arestado ang isang negosyante matapos mahulihan ng high-powered firearms sa Barangay San Jose, Cebu City nitong Martes.

Nakuha mula kay Henry Punay ang isang KG-9 submachine gun, .45 caliber pistol, 9mm pistol, at mga magasin.

Ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group, madalas silang makatanggap ng reklamo mula sa mga kapitbahay ni Punay na malimit magpaputok ng kanyang mga armas ang suspek.

Ngunit ayon kay Punay, posibleng pinag-iinitan lang siya ng mga drug suspect sa kanilang lugar dahil aktibo siya sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition sa piskalya si Punay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.