Driver ng truck na may lamang 72 patay na aso, kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 09:37 PM | Updated as of Aug 30 2017 12:03 AM

Hinahanap na ng pulisya at kinasuhan na ang driver ng pick-up truck na nadiskubreng naglalaman ng mga patay na aso sa Imus, Cavite noong Agosto 17.

Nadiskubre ang 72 patay na aso na nakasiksik sa naaksidenteng pick-up truck sa Daang Hari Intersection nitong Agosto 17. 

Ayon sa Animal Kingdom Foundation, posibleng dadalhin na sana ang mga kinarneng aso sa mga suki na kainan sa Hilagang Luzon. 

Mabilis na nakatakas ang driver ng nasabing truck ngunit naiwan niya ang kanyang cellphone at nakita rin sa loob ng sasakyan ang isang plaka.

Makalipas ang higit isang linggong imbestigasyon ng Imus police, nakilala ang tumakas na driver na si Perry Baybay, na may kaso na rin sa Tagaytay noong nakaraang taon.

Sa impormasyong nakuha ng pulisya, nakasuhan si Baybay sa paglabag sa Animal Welfare Act nang maharang ng pulis noong Mayo 19, 2016.

Ayon kay SPO1 Alan Reyes ng Imus PNP, nahulihan noon si Baybay ng 50 karne sa isang checkpoint sa Tagaytay.

Samantala, nagsampa na nitong Martes ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act, Anti-Rabies Act, at Meat Inspection Law ang Animal Kingdom Foundation laban kay Baybay at pati na rin kay Manuel Canite na nagmamay-ari ng pick-up truck.

Base sa impormasyon ng Animal Kingdom Foundation, ito na ang pinakamaraming narekober na pinatay na aso ngayong taon.

Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para matunton sina Baybay at Canite. Aalamin din kung saan nagmumula ang mga patay na aso.

Panawagan naman ng Animal Kingdom Foundation, bukas sila sa mga sumbong tungkol sa mga inaabusong aso. Maaari itong ipagbigay-alam sa kanila sa pamamagitan ng numerong 09399142402. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.