Bagong driver's license, ipinamahagi na; bagong plaka, kailan kaya?

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 06:06 PM | Updated as of Aug 29 2017 11:19 PM

Simula nitong Martes, Agosto 29, hindi na lang resibo ang panghahawakan ng mga nag-apply o nag-renew ng driver's license.

Sinimulan na kasing ipamahagi ang bagong driver's license cards ng Land Transportation Office (LTO).

Buena manong nag-renew ng lisensiya si Department of Transportation Secretary Art Tugade sa tanggpan ng LTO sa Quezon City.

Limang minuto lang, natapos na ni Tugade ang buong proseso.

Kung dati-rati, resibo lang ang ibinibigay sa mga driver, ngayon may card na.

Pagbibida nina Tugade at LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante, nasolusyonan na ang problemang nag-umpisa pa anila noong nakaraang administrasyon.

May bisa na ring limang taon ang lisensyang dati ay tatlong taon lang ang bisa.

Pero si Jing Suan na mula pa sa Mindanao, umabot ng dalawang oras at kalahati bago nakuha ang lisensiya.

Hindi man kasing bilis ang proseso sa kaniya tulad kay Tugade, masaya na rin si Suan dahil mas mabilis pa rin ito kumpara sa kalahating araw daw ng pagpoproseso ng lisensiya sa Mindanao. Kailangan pa ring balikan ang driver's license card.

Kailangan niya ng lisensiya dahil mag-a-apply siyang backhoe operator sa ibang bansa.

Ayon sa LTO, pinag-aaralan na rin na pahabain hanggang 10 taon ang bisa ng driver's license kung malinis naman ang record ng isang driver kapag siya'y nagpa-renew ng lisensiya.

Sinisilip din ng LTO na bumuo ng online application portal para sa mga driver na gustong mag-renew ng lisensiya at walang record ng paglabag sa anumang batas trapiko.

Bukod sa mahabang bisa, marami ring security features ang mga bagong lisensiya tulad ng mas high-tech na bar code pangontra sa mga namemeke ng driver's license.

Nakapaloob na rin sa lisensiya ang biometric data na kinuha mula sa driver nang siya'y mag-apply o mag-renew ng lisensiya.

Simula Agosto 29, mabibigyan na ng card lahat ng mga mag-a-apply at magre-renew ng lisensiya.

Habang ang mga may hawak ng resibo ng aplikasyon o renewal mula October 2016 hanggang August 25, 2017, makukuha na ang kanilang mga lisensiya simula sa susunod na linggo.

Inaayos na rin ang guidelines para mailunsad ang bagong lisensiya sa para mai-launch ang bagong lisensya sa Region 3, Region 4A, at Region 11.

Pagdating naman ng October, target nang maipatupad ito sa buong bansa.

Nagkaroon lang ng ilang minutong aberya sa internet connection ng mga tanggapan ng LTO sa unang araw ng pamamahagi ng bagong lisensiya. Naayos din naman daw ito agad.

Pero ang isa pang tanong ng mga motorista, paano naman ang mga bagong plaka? Kailan ito ipamamahagi?

Ayon kay Tugade, kung hindi na magkakaroon ng dagdag na aberya sa proseso, maaaring sa susunod na taon, mailalabas na rin ang mga bagong plaka.-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.