6 patay, 10 sugatan sa pag-aamok ng lalaki sa Pasay

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 03:58 AM | Updated as of Aug 30 2017 05:19 AM

12-taong gulang na batang babae, kasama sa mga napatay

Patay ang limang tao matapos mag-amok ang isang lalaki sa isang condominium sa Pasay City matapos silang mag-away ng kanyang karelasyon. Napatay din ang suspek matapos manlaban sa mga rumespondeng pulis.

Sa kuha ng CCTV, hinahabol ang isang babae ng isang lalaki habang inuundayan ng saksak gamit ang kutsilyo sa 16th floor ng isang condominium sa Pasay City mag-aalas siyete ng gabi Martes.

Nabulabog ang mga tenant ng condominium matapos makarinig ng ingay.

Ayon sa isang tenant, narinig niya ang maraming sigaw. "Pagtingin ko sa bintana, may tumatakbo. Narinig ko 'wag, wag' pagbukas ng pinto ng asawa ko, kaagad niyang isinara. May lalaki raw, may dalang panaksak." 

Kinilala ang suspek na si Alberto Garan.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde, galing umano sa Cagayan ang si Garan at ang karelasyon niyang si Emelyn Sagun. 

"Suspect nagkaroon ng heated argument with his girlfriend. Isa daw po itong massage attendant ata, at nagstart sa 16th floor. At lahat ng dinaanan pagkatapos mag-away nilang mag-girlfriend ay pinagsasaksak niya," ani Albayalde. “Napatay po niya tapos tinulak niya sa may 16th floor kaya nakuha ‘yung babae sa ground floor."

Nagpaputok pa umano ng baril si Garan pero hindi tinamaan si Sagun. 

Pumalya din ang baril at hindi na pumutok kung kaya kumuha na lamang ito ng kutsilyo at pinagsasaksak ang karelasyon. 

Selos ang nakikitang dahilan ng kanilang pagtatalo. Pinagsasaksak din ng suspek ang bawat madaanan. 

Sugatan ang di bababa sa 10 tao habang napatay nito ang limang iba pa, kabilang ang isang 12-taong gulang na batang babae.

Ayon sa ina ng bata, kagagaling lang sa praktis ng biktima nang maipit sa away. 

Kaagad rumesponde ang mga pulis at nabaril si Garan matapos umanong manlaban sa mga pulis. - May ulat nina Jekki Pascual at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.