Bagong silang na sanggol, itinapon sa may kanal sa S. Cotabato

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2016 05:52 PM

Natagpuang nakabalot ng plastic cellophane ang isang bagong silang na lalaking sanggol Lunes ng umaga. Kuha ni Chai Tabunaway, ABS-CBN News

POLOMOLOK, SOUTH COTABATO- Nabulabog ang mga residente ng Molo Adelfa Street, Brgy Poblacion Lunes ng umaga, matapos matagpuan ang isang bagong silang na sanggol na himalang buhay matapos abandunahin sa tabi ng isang kanal.

Nakabalot pa ng plastic cellophane at walang suot na damit ang sanggol.

Ilan sa unang mga nakakita ay ang magkapitbahay na sina Lovely at Fe.

Ayon kay Lovely, nagjo-jogging sila nang mapansin niya ang sanggol na gumagalaw na tila nilalamig. Noong una raw ay hindi nila ito pinansin dahil parang aso lang daw ito pero nang busisiin niya ito, nabigla na lang siya na sanggol pala ito at buhay pa. 

Kasama pa raw ng bata ang placenta at nakakabit ang umbilical cord. Agad nilang isinugod sa hospital ang bata para ipagamot.

Desidido naman si Fe, 19, na ampunin ang lalaking sanggol. Naging emosyonal din siya dahil sa naging kondisyon ng bata.

Sa ngayon, inaasikaso na ng Municipal Social Welfare Development (MSWD) ang bata at dadalhin sa center upang simulan ang pagpo-proseso sa pag-aampon sa bata.

Patuloy naman ang pangangalap ng mga pulis kung sino ang ina ng bata na posibleng masampahan ng karampatang kaso. Nakikipag-ugnayan na sila sa purok at barangay officials kung sino ang buntis sa kanilang nasasakupan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.